Juan, John, Johann
Ano ba ang ibig sabihin ng iyong ngalan?
Iyong ngalan napabantog sa pagbibinyag ng mga tao
Sa Betanya at kay Kristo.

Ngunit sino ka bang talaga?
Itinanong sa iyo kung ikaw ang Mesiyas
O ang Propeta na si Elias?
Ngunit matapat mong itinugon na di ikaw ang Mesiyas
Ikaw lamang ay ang boses sa ilang gawing matuwid and daan.

Pagka-mapagbigay loob ng diyos –
Ang ibig sabihin ng iyong pangalan
Ipinagkaloob ka sa iyong mga magulang
Sina Elizabeth at Zekarias
Na kahit sa kanilang katandaa’y ibinigay ka sa kanila
Sa kanilang di paglimot tumawag sa Diyos
At pagtiwala ng lubos, hiling ay iginawad
Ibinigay ng buong loob.

Sa iyong kababaang-loob, O Juan
Tinanggap mong ikaw lamang
Ang tagapagkilala sa Maykapal
Sa sanglupaan nagbinyag
Di tumanggi na di ikaw ang Mesiyas
Iyong matapat na sinabing isang higit sa akin
Ang siyang darating.

Sadyang ang pinagkaloob ng Diyos ay sa ati’y kalugod-lugod
Ngayong iilawan na ang kulay rosas na kandila
Nawa’y kagaya mo, malugod at masigla naming mabanaagan
pagdating ng Maykapal
Maging masigasig sa paghahanda
Ngayong darating na kapaskuhan
Na sa kabila nang may palamuti’y
Amin din sanang mapahalagahang lalo
Ang aming pagiging Kristiyano ngayong pasko
Masilayan ang nag-iisang ilaw
Ang sanggol, si Hesukristo.

Itong mabuting balita ngayo’y
Nagbibigay kalakasan
Misyon man natin minsan ay nakakapagod
Batid man ang pighati, sakit at pagsubok
Mas magtiwala lalo paigtingin ang pag-asa
Ang di pagbitaw sa Pananampalataya
Ay siya nating maging sandata.

Matapos nating malaman sino nga ba si Juan
Pagnilayan naman natin sa ating mga kalooban,
Paano ba tayo magpapakilalang tayo’y tunay na Kristiyano?
At paano rin ba tayo magiging “Juan” sa ibang tao?


Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter December 17, 2017 issue.