Palagi nating naririnig ang salitang “Eukaristiya.” Ito ay mula sa wikang Giyego na ang ibig sabihin ay “magpasalamat.” Sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Cristo ay magandang balikan ang tinatawag na institution narrative na ibingay sa atin ni Marcos. Dito ay ipinakikita na ang pasasalamat ay bahagi ng kilos ni Jesus. Dalawang ulit na binaggit ang “matapos magpasalamat” – una ay bago ibigay ang kalis.
Sabi nga ni Gaudencio Cardinal Rosales, ang Eukaristiya ay “tinapay na pinapasalamatan.” Dito ay maari nating idagdag ang katagang “alak na pinasalamatan.” Mahirap ngang isipin ang Eukaristiya kung ihihiwallay ang pasasalamat. Si Jesus mismo ay nagpasalamat sa Ama bago hatiin at ibahagi ang tinapay at bago ibigay ang alak sa mga alagad. Kung ang buhay Kristiyano ay isang patuloy na pagdiriwang ng Eukaristiya, ang damdaming dapat umiral ay ang pagpapasalamat. Kung paano pinasasalamatan ang Diyos sa loob ng pagdiriwang sa simbahan ay nararapat din siyang pasalamatan sa mismong pang araw-araw na buhay. dito makikitang ang Eukaristiya ay hindi lamat ritwal kundi mismong buhay.
Madalas kong marinig sa mga layko, “Salamat at may misa.” Kapag sinabi kong ipinagmisa ko sila sa kanilang kaarawan o anibersaryo, lubos-lubos ang kanilang pasasalamat. Nais ko sanang ipaalaala sa kanila na ang buhay ay isa ring paanyaya upang magpasalamat. Hindi mabilang ang pagpapala ng Diyos na dapat tanawin at pasalamatan. Kapag sa Misa ay sinasabi ng pari na “Pasasalamatan natin ang Panginoong Diyos” at sumasagot naman ang sambayanan ng “Marapat na siya ay pasalamatan,” ito ay kilalanin ang napakaraming biyaya na patuloy na ipinagkakaloob ng Diyos.
Hindi nga maaring paghiwalayin ang Misa at ang buhay. Kung sa misa ay pinasasalamatan si Cirstong naghandog ng Kanyang katawan at kaligtasan, sa pang araw-araw na buhay ay naroon din ang paanyayang alalahanin at pasalamatan ang kabutihan at kagandahang loob ng Diyos. Siya ay mapagpalang Diyos na nagkakaloob ng Kanyang sarili hindi lamang sa pagdiriwang ng Misa kundi sa bawat sandali ng buhay ng tao.
Ito ang Eukaristiya-pagdiriwang na isinasabuhay at buhay na ipinagdiriwang… sa diwa ng walang hanggang pasasalamat.
Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet June 3, 2018 issue.