Ayaw natin sa mga taong manggamit. Iyon bang naalala ka lang kapag mayroon siyang kailangan sa iyo. Kung wala naman ay hindi ka man lamang sumagi sa kanyang isip. Hindi magandang kaibigan ang ganyang tao.
Ganoon ang disposisyon ng mga sumusunod kay Jesus ayon sa ebanghelyo ngayon. Si Jesus mismo ang pumansin dito ng kanyang sabihin, “Hinahanap ninyo ako hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyo kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog.” Mnagagamit din sila. Minsan na silang nabusog sa piling ni Jesus at nais pa itong maulit na muli.
Kung titingnan ang material na bagay lamang ang mga hangad ng mga tao. Tinapay lamang ang hangad ng mga tao. Tinapay lamang ang habol nila kaya sumusunod sila sa Panginoon. Kaya naman, pinaalalhanan sila ni Jesus na gumawa hindi lamang para sa pagkaing nasisira kundi yaong hindi nasisira at nagdudulot ng buhay na walang hanggan. Madalas ay ganoon din ang ating pakikitungo sa Diyos. Ginagamit lamang natin siya para magkamit ng material na bagay. Pumupunta tayo sa simbahan at nagdarasal hindi upang makipagdaupang-palad kay Jesus sa Banal na Eukaristiya kundi upang humingi ng pagkain, gastusin, kailangan sa buhay at iba pa. We are not after our relationship with the Eucharistic Lord but our desire for material blessings. Kaya naman kapag nakamtan na ang hinihiling ay kaagad nakakalimot na sa Diyos na nagkaloob.
Madalas tayong mag react sa mga mapagsamantala at manggamit. Ayaw na natin silang pakitunguhan. Naisip ba natin na tayo ay mapagsamantala rin? Naalaala na natin ang mga sandaling ginamit lamang natin ang Panginoon? Hindi natin natutunan siyang mahalin bilang kaibigan at Panginoon. May mga taong nakikilala lang sa pera. May mga nadadala lang sa suhol. Sa Panginoon ay pag-ibig ang layunin. Minamahal natin siya kaya tayo lumalapit sa kanya. Hindi siya materyal na tinapay. Siya ay Tinapay ng Buhay. Siya ay Buhay na Tinapay. Ang Tinapay na Bigay na Alay ng Diyos Ama na Bukal ng Buhay na walang hanggan.
– Msgr. Leandro N. Castro