Sa isang programa sa telebisyon ay may isang babaeng nagtuturo tungkol sa “komunyon” ng mga hindi Katoliko. Mahusang siyang tagapagsalita. May diin ang kanyang pagtuturo.  Madaling makaakit ang kanyang pagpapaliwanag.  Ngunit ang totoo, mali ang kanyang doctrina.

Ayon sa kanya, sa banal na salu-salo raw ay hindi nagaganap ang transubstantiation.  Ibig sabihin ang tinapay ay hindi nagiging Katawan ni Cristo kundi simbolo lamang ng kanyang presensya.  Kakatwa ito sapagkat siya na rin ang nagsabi na sa pagdiriwang ng Huling Hapunan ay winika ni Jesus, “Ito ang aking katawan na inihahandog  para sa inyo. . . Ito ang aking dugo. . . Gawin niyo ito sa pag alala sa akin. ” Maari bang maging simbolo lamang ang tinapay kung si Hesus mismo ang nagsabi na iyon ay ang kanyang katawan?

Sa ebanghelyo sa Linggong ito ay ipinahag ni Jesus, “Ako ang pagkaing nagbibigay buhay na bumaba mula sa langit… at ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman. ”  Ang salitang ginamit ni San Juan ay sarx na kung isasalin sa ingles ay flesh upang tumukoy sa buhay sa sanlibutan.

Isang konkretong paraan ang Eukaristiya upang tanggapin ang buhay na katawan ni Kristo.  Sa turo ng Simbahan, ang konsagradong tinapay at alak ay Katawan at Dugo ni Kristo. It is by the conversion of the bread and wine into Christ’s body and blood that Christ become present in the sacrament (ccc,1375).  Buhay at nananatili ang Panginoon sa anyo ng tinapay at alak.  Siya ang pagkaing nagbibigay- buhay para sa ating lahat.

Hindi ako nagtataka kung bakit pagkatapos ng Fellowship o salu-salo ng mga di Katoliko ay itinatabi na sa kahit anong lalagyan ang tinapay. Wala naman daw si Kristo sa tinapay.   Tama sila, wala nga si Kristo sapagkat hindi naman sila ngadiwang ng sakramento.  Wala naman silang pari na pinagkalooban ng kapangyarihang bumigkas ng mga salita upang ang ordinaryong tinapay ay maging Katawan ni Kristo.

Mahirap unawain ang sinabi nilang simbolo.  Bakit ka magtitiyaga sa larawan kung pwede mo namang makasama ang isang minamahal?  Kay palad nga natin sapagkat iniwan mismo ni Jesus ang Eukaristiya upang maging buhay na katiyakan ng kanyang pasensiya.  Kapag may mga kasama akong kumakain sa restaurant, nagsasalu-salo kami  sa handaan pero di mo masasabing pinagsaluhan  namin ang katawan ni Kristo.  Matatawag ba itong komunyon?  Maari sapagkat magkakaisa kami ngunit kulang pa rin.  Communion is not only unity with one another but unity with Christ.

Salamat at may sakaramento ng Eukaristiya.  Salamat sa handog ng Katawan ni Kristo.  Siya ay tinapay na nagbibigay- buhay, siya ay buhay sa gitna natin.

 – Msgr.  Leandro N. Castro


Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter Aug 12, 2018 issue.