Hindi palaging totoo ang sinabi ng manunulat, “When you were born, you were crying and everyone else was smiling.” Bagama’t madalas na ang pagsilang ng isang sanggol ay nagdudulot ng tuwa, may mga pagkakataong nagbubunga rin ito ng takot, pangamba, galit at kalungkutan.
Isinalaysay sa ebanghelyo ngayon ang kagalakang dulot ng pagsilang ni San Juan Bautista. Iniulat ni San Lukas na nang mabalitaan ng mga kapitabahay at kamag-anak ang pangyayari ay nakigalak sila kay Elisabet. Para sa kanila ang sanggol ay isang pagpapala ng Panginoon. Angkop nga naman ang pangalang Juan na ang ibig sabihin ay “God is gracious” o “God’s gift.”
Nakakatuwang isipin na kagalakan ang naging bunga ng pagsilang ni Juan Bautista. Ito ay isang inspirasyon at hamon sa maraming pamilya sa kasalukuyang panahon. Dulot ng maling kaisipan at pag-abuso sa kalayaan, isinulong ang pro- choice na nagtaguyod sa kalayaang pumili o magtanda ng pamamaraan ng pagpaplano ng pamilya sa anumang paraan-natural o artificial. Kasama pa rito ang pagsusulong ng batas na nagpapahintulot ng abortion.
Totoo, hindi palaging galak ang dulot ng pagdadalang tao. Maraming mga kabataang nahulog sa patibong ng sexual- permissive society ang nagdadalang-tao nang walang kahandaan. Takot ang agad namumuo kapag kahandaan. Takot ang agad namumuo kapag natuklasan ang pagbubuntis. Kaya naman kaagad na nagpapasyang magpalaglag upang malayo sa kahihiyan at makaiwas sa responsibilada.
Ang pagdiriwang ng Dakilang kapistahan ng Kapanganakan ni Juan Bautista ay nag – iiwan ng aral sa ating lahat. Nawa’y taglayin din natin ang kasiyahan sa tuwing may ipinaglilihing sanggol sapagkat ito ay tanda ng regalo ng buhay.
Naniwala ang dakilang si San Agustin na ang mga supling ay biyaya ng Diyos at mahalagang sangkap ng buhay may-asawa. Ito rin sanan ang ating paniwalaan at itaguyod. Sa gayon ang bawat pagsilang ay magdudulot sa atin ng tunay na kagalakan.
~ Msgr. Leandro N. Castro
Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter – June 24, 2018 issue.