Sa gitna ng kalungkutan, ang pwede lamang magpasaya sa isang naiwan ay ang pag-asa na ang umalis ay muling magbabalik. Mahirap tanggapin ang paghihiwalay subalit ito ay mababata dahil sa paniniwalang darating din ang sandali upang muling magkapiling.

Sa salaysay ng ebanghelyo sa linggong ito, waring pumawi sa lungkot ng mga alagad ang mga salita ni Hesus, “Ako’y aalis ngunit babalik ako.” Ayon sa mga iskolar ng bibliya, ang pananalitang iyon na bahagi ng Farewell Discourse ay tumutukoy hindi lamang sa kamatayan (aalis) at muling pagkabuhay (babalik). May kaugnayan ito sa pananatili ng Panginoon sa piling ng mga alagad at ng Simbahan.

Tapat si Hesus sa kanyang pangako. Bago siya umakyat sa langit ay kanyang sinabi, “Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan” (Mt 28:20). At totoo, patuloy na naranasan ang kanyang presensiya. Nariyan ang Banal na Eukaristiya na siyang katiyakan ng kanyang pananatili sa piling natin. Ang Eukaristiya, ayon kay Sto. Tomas de Aquino at inulit ni Papa Benedicto XVI, ay “Sacramento ng Pag-ibig” o Sacramentum Caritatis. Ito ay tanda ng walang hanggang pag-ibig at pananahan ni Hesus sa piling ng sangkatauhan.

Ang Espiritu Santo na ipinangako ni Hesus ay katiyakan din ng kanyang pagkalinga sa sambayanan. Ang simbahan ay nabubuhay dahil sa Espiritung nagbibigay-bubay na bunga ng pag-big ng Arna at ng Anak. Maliwanag na nananahan sa atin ang Santisima Trinidad-ang Diyos ng Pag-ibig.

Walang dapat ikatakot ang bawat isa. Nasa ating piling ang Pangnoon. Tunay na siya ang Emmanuel-ang Diyos na sumasaatin.

Madalas ay nasisira ang pangako ng tao. May nangangakong babalik subalit hindi naman tumutupad. Iba ang Diyos kung mangako. Palagi siyang tapat.

~ Msgr. Leandro N. Castro


Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter May 26th 2019 issue.