Sa isang palabas o pangyayari, karaniwang may dalawang uri ng tao ang sangkot: una, ang mga characters sa palabs o direct involve sa palabas o pangyayari: pangalawa, ang mga manunuod. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng una. Nakasalalay sa kanila ang kwento at takbo ng estorya. Sa pangalawa naman, di gaano. Their role is optional. Pwede manatili sila at manood, pwede rin sila umalis o kaya baliwalain ang mga nagaganap sa kwento o pangyayari. Sa kuwento ng pag-akyat sa langit ni Hesus, ano ang papel mo? Saan ka sa dalawang uri ug taong nabanggit? Ano ang halaga o mensahe nito sa iyo?
Tulad sa pangyayari sa pagkabuhay ni Hesus, walang ibang nakasaksi at makapagpapatotoo sa pag-akyat sa langit ni Hesus kundi ang mga alagad lamang. Ibig sabihin, sa ungayan nagkakatalo. Ika nga, iba ang kwento kay sa sa katotohanan. Iba ang dating ng sariling karanasan kaysa sa kwento lang o nabasa lang. Gayon din naman, mas kapanipaniwala pag ang pamilya ang nag-kuwento kaysa sa ibang tao o kapitbahay. Iba na talaga pag kapamilya (it has nothing to do with TV stations).
Ang kuwento tungkol sa pagkabuhay at pag-akyat sa langit ni Hesus ay kwentong pananampalataya mula pa sa ating unang mga ninununo – ang mga alagad ng Panginoon. Sila ang unang mga saksi sa pangyari at nangyari sa Panginoon. Ikaw at ako naman ang mga saksi sa kasalukuyan. Samakatuwid, tayo ang main characters sa tagpo ng pag-akyat sa langit ng Panginoong Hesus. Hindi tayo mga manonood, tagapagmasid o tagapakinig lamang ng kwento tungkol dito. Ika nga, tayo ang bida dito. Hindi tayo ang manonood sa palabas, bagkos, tayo mismo ang palabas.
Ipinapaalala sa atin ng ebanghelyo, na tulad ng mga alagad, tayo rin ay magalak sa pag-akyat sa langit ng Panginoon. Bakit? Ito’y nagpapatunay na may langit na tahanan na inihanda sa mga karapat-dapat na mga anak ng Diyos. Ang tagpo sa pangyayari kung saan si Hesus ay umakyat sa langit ay isa lamang sa mahahalagang bahagi (episode) sa kwento ng ating Pananampalalaya, ang kuwento ng ating kaligtasan. Ito ang kuwento ng ating Kristiyanong Pananampalataya, ito ang kuwento ng ating Pamilya. Ito ay salaysay ng ating kaligtasan, ang ating patutunguhan at hantungan. Tulad ng mga alagad, magalak tayo’t magdiwang. Bilang isang pamilya, lagi natin papurihan at pasalamatan ang Diyos sa ating pagdiriwang ng Banal na Misa.
Nasaksihan ng mga unang alagad ni Hesus ang kanyang wagas na pag-ibig sa kanila at sa mga tao sa pamamagitang ng paagpapatawad sa kanilang mga kasalanan, pagpapagaling mula sa sakit, karamdaman at pang-aalipin ng masamang espiritu, ang kanyang pagtitiis ng hirap at kamatayan, muling pagkabuhay at pag-akyat sa kalangitan. Maging saksi din nawa tayo sa kasalukuyan. Saksi sila, saksi ka. saksi tayo! Amen.
~ Fr. Edgar Ma. Benedi-an, OSM
Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter – June 02, 2019 issue.