Wika ng isang manunulat “The thought of an anticipated blessing will temper the pain of our present affliction.” Oo nga naman, kapag umasa kang may liwanag na darating, kakayanin mong bagtasin ang dilim ng kasalukuyan.
Sa ebanghelyo ngayon ay pinalakas ni Jesus ang loob ng mga alagad. Tinuruan silang tumanaw sa liwanag. Sa sinusundang salaysay sa ika -16 na kabanata ni San Mateo ay ipinahayag ang ukol sa kamatayan ng Panginoon. Natakot ang mga alagad at pinanghinaan ng loob. Kaya naman sa sumunod na kabanata ( sa ebanghelyo para sa ikalawang lingo ng Kuwaresma.) ay ipinahayag din ni Jesus ang kanyang Muling Pagkabuhay.
Sa salitang griyeego na “metamorphote” ay isinalin sa wikang Filipino bilang “nagbagong – anyo” o sa wikang Ingles ay “was transfigured.” Kaugnay ito ng mga salitang “en hetera morphe” na tumutukoy sa anyo ni Jesus nang siya ay muling mabuhay.
May mga pagkakataong halos ilugmok na tayo ng mga pagsubok sa buhay. Sa nobena sa Ina ng Laging Saklolo ay dinarasal ang ganito. “Kung minsan ang mga ito ay parang hindi na naming kayang pasanin.” Huwag sana tayong sumuko. Sa gitna ng pagdurusa ay tanawin natin ang tagumpay at kaligtasan sa piling ng ating Diyos. Totoo, may Biernes Santo subalit mayroon higit at kapanapanabik na Linggo ng Tagumpay, Linggo sa pagkabuhay. Pagkatapos ng kadiliman ay sisilaw din ang kaliwanagan.
We should go on, never deterred by trials and tribulation. Sa gitna ng mga pagsubok, masisilayan ang napipintong pagpapala.
~ Msgr. Leandro N. Castro
A reflection from the March 8th issue of the Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter of the St. Peregrine Laziosi Diocesan Shrine.