Sa tuwing siya’y nalulumbay, nananalangin siya sa Panginoon na pawiin ang lumbay. Sa tuwing siya’y may nais mangyari, nananalangin siya sa Panginoon na mangyari nawa ang kanyang nais. Sa tuwing siya’y may kailangan nananalangin siya sa Panginoon na pagkalooban siya ng kanyang pang araw-araw na pangangailangan. Tuwing nananalangin siya, natatanggap naman niya ang lahat na biyaya na nagmumula sa Panginoon.
Sa panahon ng kuwaresma, kaakibat ng pananalangin ang pagbibigay sa Panginoon. Kaakibat ng pananalangin ang pagbibigay sa Panginoon ng oras, atensiyon at kaluluwa. Nararapat na tayo ay mag-alay ng parte ng ating buhay para sa Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa kapwa, pagbabalik loob sa simbahan, at pagsisisi sa ating mga nagawang kasalanan. Higit sa lahat tayo ay tinatawag upang makinig at sumampalataya sa Diyos Anak na si Hesus; sa panahong ito rin at si Hesus mismo ang inialay ng Diyos Ama sa ating lahat para lang sa ating kapakanan at katubusan.
Ano ang kaya mong isakrispisyo upang magkaroon ng panahon para manalangin? Ano ang nararapat mong ialay sa Panginoon upang kahit papaano’y masuklian ang pagmamahal niyang patuloy na iniaalay sa iyo? Paano mo maipapakita ang pananampalataya mo sa Panginoon?
Nawa sa panahong ito ng Kwaresma ay maging handa tayo sa mga hamon na ito at matagumpay hanggang sa pagkabuhay muli ni Hesus.