Magkataliwas ang mga salitang “bata” at “malaki.” Kapag nabanggit ang salitang “bata”, Kaagad- agad pumapasok sa ating isipan ang kaliitan kapag malaki na ang tao, hindi na siya bata (maliban na lamang sa ilang batang may kakaibang taas o timbang). Sa pangkalahatan, ang kaliitan ay kakambal ng pagiging bata.
Sa ebenghelyo sa linggong ito at tinawag ni Jesus ang isang bata at ipagitna sa mga alagad na sa daan ay nagtatalu-talo sa kung sino sa kanila ang pinakadakila. Magandang pansinin na hindi hindi na naman inilagay ang bata sa gitna ng mga alagad upang kanilang tularan kundi upang tanggapin. Wika ni Jesus, “Ang sinumang tumanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin.” Kung ang “kaliitan” ang inilalarawan ng mga bata, ang “kaliitang” ito ang dapat tanggapin ng mga alagad na ang kaisipan ay nilalason ng kadakilaan. Sa gayoy matanggap din nila ang “kaliitan” ni Jesus na bagama’t Diyos at naging tao at nagsabing siya’y magdurusa sa Krus.
Madalas ayaw nating tanggapin ang kaliitan ng kapwa. Ang gusto nating makasama ay ang mga dakila na kinikilala sa lipunan. Hindi tayo mapalagay sa piling ng mga maliliit. Sila ay yaong mga taong hindi mabiyayaan nga karangyaan, kagandahan, kapangyarihan at matunog na pangalan. Sila ay mga dukha na walang ibang aasahan kundi ang Diyos. Sa pilosopiyang “quid pro quo”, ang atin lamang hinahanap ay ang taong maaring makaganti sa kabutihang ating ginawa. Ang mga dukha, samakatuwid, ay hindi pinakikitunguhan sapagkat wala silang maibabalik. Nakakalungkot ang ganitong prinsipyo.
Sa kabilang dako, inaanyayahan tayo ni Jesus na tanggapin ang mga mahihina at maliliit. Sa pagtanggap natin sa kanila ay tinatanggap natin mismo si jesus na sa daigdig ay namuhay sa diwa ng karukhaan at naging maliit sa paningin ng mga umusig at nagparatang sa kanya. Maliwanag naman sa ebanghelyo ni san mateo na ang ginawa natin sa pinakamaliit na kapatid ay sa Panginoon natin ginawa.
Ang mga maliliit ay may kanyang kadakilaan. Sila na kumikilala sa kanilang kawalan ay nabubuhay sa kababaang-loob. Hindi sila umaasa sa sariling lakas kundi sa lakas na nagmumula sa Panginoon. Kaya naman, taglay nila ang lakas ng Diyos na sa kanila ay nagpapatatag. Hindi sila maigugupo kahit ng mga malalakas.
Dakila nga ang mga maliit. Buong pag-ibig natin silang tanggapin.
– Msgr. Leandro N. Castro
Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter September 23, 2018 issue.