Bakit nga ba tinatawag na mabuting Pastol? Anu-ano ba ang mga katangiang taglay niya? Anu-ano ang konkretong pagpapahayag ng kanyang kabutihan? Batay sa ebanghelyo sa linggong ito tatlo ang katangian ng Mabuting Pastol :
- nakilala ang mga tupa,
- nagmamalasakit at
- nagsasakripisyo para sa mga tao.
Sa Palestina ay maraming tupa. Ang pagpapastol ay isang karaniwang gawain. Sa paggagamit ng ordinaryong sitwasyon na nauunawaan ng nakikinig ay muling inihayag ni Jesus ang kanyang mensahe. Siya mismo ang Mabuting Pastol na nagtataglay ng tatlong katangian.
Una, kilala ng pastol ang kanyang mga tupa. Pinapangalanan pa nga ang mga ito. Alam niya kung may nawawalang tupa sa kawan. Ganyan tayo nakikilala ni Jesus. Alam niya ang ating pangalan at ang kaibuturan ng ating puso at pagkatao. Walang nalilihim sa kanya.
Ikalawa: ang tunay na pastol ay may malasakit sa kanyang mga tupa. Nag-aalaga sila sa kanila ng diwa ng pag-ibig. Hindi ito trabaho lamang kagaya ng upahan. Ang huli ay walang tunay na pagkalinga sa mga tupa. Mahal ng pastol ang kanyang kawan. Ganyan tayo kamahal ni Hesus. Nagmamalasakit siya para sa ating kapakanan, kagalingan at kaligtasan.
Ikatlo, may kasamang sakripisyo ang paglilingkod ng tunay na pastol. Handa siyang mag-alay ng buhay para ipagtanggol ang kanyang mga tupa. Ang mga upahan ay tumatakas kapag dumarating ang mga asong-gubat. Ang pastol ay handang mamatay para sa kanyang kawan. Ganyan si Jesus. Inialay niya ang kanyang buhay para palayain tayo sa pagkakagapos sa kasalanan.
Tinatawagan tayong maging mga pastol para sa ibang tao. Ibig sabihin, tataglayin din natin ang tatlong katangian ng mabuting pastol. May isang lalaki na nagsabing kilalang-kilala daw niya ang kanyang mapapangasawa at mahal na mahal raw niya ito (dalawang katangian ng pastol). Habang sila ay ikinakasal ay biglang lumindol. Patakbong lumabas ng simbahan ang lalaki at iniwan ang kanyang mapapangasawa. Ganyan ba ang magiging pastol ng pamilya?
Hindi rin sapat na basta kilalanin lamang si Jesus bilang Mabuting Pastol. Kailangan, maging mabuting tupa rin tayo sa kanya. Dapat ay nakikilala rin natin ang Panginoon, nakikinig sa kanyang tinig at sumunod sa kanyang tagubilin. Kailangan rin nating magmalasakit at mag-alay ng buhay para sa ating pagsunod at pananampalataya sa kanya.