May mga taong nagrereklamo dahil hindi raw dinidinig ng Diyos ang kanilang mga kahilingan sa pagdarasal. Para sa mga taong iyan ay nagsisilbing bukal ng lakas at pag-asa ang ebanghelyo sa linggong ito.

Ang talinhaga ukol sa hukom at sa babaeng balo ay nagtuturo ng pagtitiyaga sa panalangin. Tulad ng hukom at higit pa sa kanya, ang Diyos na mahabagin, ay tutugon din sa panalangin ng mga taong nagtitiyaga na may kasamang pananalig.

Totoo, ang Diyos ay palaging tumutugon sa ating mga dasal ngunit hindi ayon sa ating pamantayan kundi sa paraang kanyang itinakda. God knows what is best for us. Palagi kong ibinabahagi sa mga homiliya at recollection ang ganitong paghahalimbawa. May mga batang babae na nagsusuot ng malaking sapatos ng kanilang ina. Dahil maliit ang kanilang paa, sila ay nadadapa. Ito ang dahilan kung bakit minsan ay hindi pa dinirinig ng Diyos ang ating mga panalangin. Ang ating hinihiling ay lubhang malaki samantalang ang ating sarili ay maliit. Baka kapag ibinigay ng Diyos ay madapa tayo. Hinihintay ng Diyos ang panahon na ang ating “paa” ay kasya na sa “sapatos” na ating hinihingi upang huwag tayong madapa at sa halip ay makalakad nang tuwid.

Sabi ng isang santo, mahalaga raw ang paghihintay at pagtitiyaga sa panalangin. Sa pagdaan ng mga araw ay “nababanat” ang ating “sisidlan” kaya habang tumatagal ay Iumalaki ang ating lalagyan ng biyaya ng Diyos. Kung ngayon na natin tatanggapin ang handog ng Diyos, kakaunti ang ating matatanggap dahil maliit ang ating kakayanan. Palipasin natin ang mga araw. Magtiyaga tayong maghintay. Sa pagtagal na panahon, sa paglaki ng lalagyan, sa pagdami rin ng matatanggap.

Nagtiyaga ang babaeng balo sa ebanghelyo at sa wakas ay nakamtan din ang kanyang hinihingi. Sa ating pagtitiyaga, hindi tayo bibiguin ng Diyos. Ang ipagkakaloob niya, bagama’t nagtatagal, ay higit pa sa ating inaasahan.

~ Msgr. Leandro N . Castro


A reflection for the 29th Sunday in Ordinary Time from the October 20th 2019 issue of the Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter of the St. Peregrine Laziosi Diocesan Shrine.