Karamihan sa atin ay may mga taniman o “garden”. Lahat tayo, maalam man sa pagtatanim o hindi ay may ideya sa pagpupunla ng mga binhi. Alam nating lahat na hindi lahat ng naipupunla ay uusbong bilang isang mabungang pananim. Ang ibang binhi ay maaaring hindi na nga mabuhay sa iba’t ibang kadahilanan. Pero, para sa atin, tayo ay naniniwala na ang mga binhing ating naihasik ay matatamo ang layunin na ating nais para sa kanila, sa kabila ng anumang pagkabigo na maaaring matamo.

Ang  Parabula ng Manghahasik ay nagpapatungkol kay Hesus na siya mismong tinutukoy na Manghahasik ng mga binhi. Ang dala Niya ay ang Salitang nagbibigay buhay. Nais Niyang maipunla sa ating mga puso ang mga Salitang ipinagkaloob Niya sa atin. Dumating Siya sa mundong ito upang magbigay buhay sa pamamagitan ng mga binhi na ito. Kung wala si Hesus, walang binhi, at walang Mabuting Salita na siyang maipupunla. Ang mabuting balita na para sa atin ay dumating si Hesus upang ating Tagapagligtas. Tunay na napakahalaga na mapakinggan natin ang Mabuting Balita at tanggapin ito sa pamamagitan n gating pananampalataya sa Panginoon. Sa ating ebanghelyo, ang ibang binhi na nahulog sa tabi ng daan at napagyapakan, at hindi kalaunan ay kinain ng mga ibon. Ang iba naman ay nahulog sa batuhan. Sumibol pero sa huli ay natuyo din dahil sa walang halumigmig. Ang iba ay nahulog sa matitinik na lugar at tumubong kasama ng mga tinik at naglaoy nabalot na nga mga dawag at nangamatay. Ngunit ang iba naman ay tumubo sa mabuting lupa, ang mga ito ay tumubo at namunga ng tig-isangdaan, ang ibay ay tig-aninnapu, ang iba naman ay tig-tatlumpu.

Ang mahalagang punto sa lahat ng ito ay ang pagyabong at pamumunga ng mga binhing naipunla ni Hesus sa ating lahat. Kapag tayo ay gumawa nang may pagmamahal at pananampalataya para sa ating kapwa at sa ating sarili nang may patnubay at gabay ng Diyos, maraming magandang bagay ang maaaring mangyari sa ating buhay. Hindi natin alam kung kalian maaaring makatamo ng pag-uhay ang mga binhing ito. Ang pagmamahal na naibigay minsay’y hindi magmamaliw. Bahagi ng buhay natin ang mga pagsubok at pagsusumikap. Kagaya ni Hesus, naghasik Siya ng pagmamahal gaya ng paghahasik ng mga binhi na nagtataglay ng Salitang nagbibigay buhay. Alam Niya na maaaring Siyang mabigo o ang iba ay masayang, bagkus ay inihasik pa rin Niya ito gaya ng ginawa Niya sa Kalbaryo para sa sangkatauhan. Nang inialay Niua ang Kanyang buhay para sa tao ay iligtas sa kasalanan. Ganun din ang ating Diyos Ama, alam Niyang maaaring abutin nang matagal na panahon ang pag-uhay at mamunga sa ating mga puso ang Kanyang mga salita, pero ni minsan ay hindi Siya magtitipid o magdadamot na maghasik ng binhi, ni ang pagmamahal Niya para sa ating lahat na Siyang kinalulugdan Niya.


Source: Neo Jeremiah – Voice of the Young Prophet July 16, 2017 issue