Maganda ang nagiging buhay at kinabukasan ng mga taong masunurin. Ang mga anak na natutong sumunod sa mga magulang ay nagiging matagumpay. Kapahamakan naman ang inaabot ng mga anak na suwail. Ito ay napapatunayan na sa karanasan.
Pagsunod ang isa sa mga paksa sa ebanghelyo ngayon sa Kapistahan ng Banal na Sanggol. Ito rin ang ebanghelyo noong ipinagdiwang ang Linggo ng Banal na Mag-anak. Isinalaysay ni San Lucas na si Hesus ay nagpaiwan sa kanyang mga magulang matapos ang Pista ng Paskuwa.
Matapos ang pagtatagpo at pagpapalitan ng salita ay sinabi ng teksto; Siya’s umuwing kasama nila sa Nazareth at naging masunuring anak. Ang batang si Hesus ay naging modelo ng pagsunod. Ito ang naging buhay ng Panginoon hanggang sa pag-aalay ng buhay sa krus bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. Ang kanyang pagka masunurin ay siyang dapat pamarisan ng lahat.
Iba na raw ang takbo ng panahon. Iba na raw ang kabataan ngayon. Iba na raw ang pag-uugali ng mga anak sa kanilang mga magulang. Kung noong una ay walang umaalis ng tahanan nang di muna nagpapaalam, ito ay hindi na nangyayari sa kalakuyan. Sobra ang pagpapahalaga sa kalayaan. Ayaw silang pasakop at kadalasan, tumatakas sa gawaing bahay. Maraming ayaw nang sumunod sa nakakataas.
Hindi kataka-taka kung bakit kabi-kabila ang pasaway sa batas ng bayan. Kapag ang isang anak ay hindi natuto ng pagsunod sa loob ng tahanan, hindi mo siya aasahang gagalang at susunod sa batas ng lipunan. Hindi rin kataka-taka kung bakit palagi nang sinusuway ang mga utos ng Diyos. Kung hindi natutuhang sundin ang utos ng mga magulang, hindi rin mapahahalagahan ang pagsunod sa utos ng Panginoon. Ang pagdiriwang ng kapistahan ng Santo Niño ay paanyaya sa mga anak na sundin ang kanilang ama at ina. Sa hanay ng sampung utos ng Diyos, ang ikaapat lamang ang may kaakibat na pangako ng pagpapala. Pahahabain ng Diyos ang buhay ng mga anak na gumagalang at sumusunod sa kanilang mga magulang. Kay gandang biyaya.
– Msgr. Leandro N. Castro
Source: New Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter January 20, 2019 issue.