Ang ebanghelyo sa linggong ito ay nagsasalaysay nang pagbabagong anyo ni Jesus. nauna rito ang salaysay ukol sa haharaping paghiirap at kamatayan ni Jesus. Takot ang mga alagad sa pagkabatid ng sasapitin ng kanilang guro. Kaya naman, “nagbago ng anyo ang kanyang mukha at nagniningning ang kanyang kasuotan na naging puting-puti” bilang patikim o larawan ng kaluwalhatiang kanyang tatamasahin. Hindi ginamit ni san lucas ang salitang mababasa sa ibang ebanghelyo -“nagbagong anyo” – (sa Griyego ay metamorphousthai na kaugnay ng salitang ginagamit ni Jesus ay muling mabuhay – en hetera mophe), gayunman iisa pa rin ang mensahe. Sinasabi sa mga alagad na huwag silang mawalan ng pag-asa sapagkat may luwalhati sa likod ng krus.

Kapansin pansin sa ebanghelyo na ang pangyayari ay naganap “samantalang siya’y ay nanalangin.” Tanging si San Lucas lamang ang ebanghelistang nagsasabi nito. Sa katunayan, ito ang isa sa mga tema ng ebanghelyo ayon kay San Lucas. – ang panalangin. Matatandaang ang salaysay ng pagbibinyag kay Jesus ay iniuulat din ng iba pang mga ebanghelistang ngunit si San Lucas lamang ang nag-ulat na si Jesus ay nananalangin nang mabuksan ang langit (Lk 3:21) bago gumawa nga mahalagang desisyon, si Jesus ay nananalangin at sumasangguni muna sa kanyang Ama. Sa mga salaysay na nabanggit, malinaw na ang mga pagpapahayag ng diyos ay nagaganap sa oras ng pagpapahayag ng Diyos ay nagaganap sa oras ng pananalangin. Ito ay nagtuturo sa atin na ang plano ng Diyos ay sinisikap nating malaman ay atin lamang mababatid at mauunawaan kung tayo ay marunong magdasal. Ito ang karanasan ng maraming tao. Sa oras ng pananalangin ay nagsasalita ang diyos. Malaki ang naitutulong ng daily holy hour dito tayo kumukuha ng lakas. Sa katahimikan ng lugar at ng puso, naririnig natin ang mensahe ng Panginoon. Hinahayaan natin magsalita ang Diyos sa ating kalooban. kahit na may mabigat na problema, kahit may matinding pagsubok, waring ang pakiramdam ay gumagaan. Nagkakaroon tayo ng bagong pag-asa. Nagbabago ang pananaw at saloobin. Nakakakita ng liwanag. Natututong umunawa sa mga pangyayari. Nagkakaroon mg tapang at kahandaang magpatawad.  Nakakayanag magpakumbaba. Iba talaga pag nagdarasal.

Tulad ng mga alagad, nasasabi rin natin. “Mabuti pa’y dumito na tayo.” Ang magandang dasal- parang ayaw na nating matapos.

                                  Msgr Leonardo N. Castro


Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter, March 17, 2019 issue.