Dalawang paksa ang maaring hanguin sa ebanghelyo sa linggong ito – humility and generosity. Sa simula’y pinipili ko kung alin sa dalawa ang aking tatalakayin. Sa bandang huli ay naisip kong magkaugnay pala ang dalawa. To be humble is to be generous.
Ang talinghaga ay tumutukoy sa panawagan ukol sa kababaang – loob. Ang isang inanyayahan sa piging ay dapat magpakababa. Huwag piliin ang mga tanging upuan, manapa’y piliin ang pinakaaba. Sa dakong huli ay sinabi sa ebanghelyo, “Ang nagpakababa ay itataas.”
Isa sa pinakamahirap taglayin ay ang kababaang-loob. Likas sa tao ang pagmamahal sa sarili kaya’t ang mahigitan ng iba. Ditto pumapasok ang kapalaluan. Ibayong biyaya at pagsisikap ang kinakailangan upang magkaroon ng kababaang loob.
Ang mga taong may taglay na kababaang- loob ay hindi tumitingin sa sariling kapakanan kundi sa ikabubuti ng kapwa. Dito nagkakaroon ng kaugnayan ang kababaan at kagandahang-loob. A humble person forgets his own convenience and is concerned about the welfare of another. In other words, a humble person is generous.
Sa ebanghelyo ay ipinaaalala ni Jesus na naghahandog ng piging ay hindi dapat nag-iisip ng sariling kapakanan. Hindi niya iisiping siya ay magagantihan ng kanyang inaanyayahan. Ito ang tunay na pagbibigay-hindi naghihintay ng kapalit. Ang mahalaga ay ang kabutihan ng iba, hindi ng sarili. Kaya nga, kababaang loob din ang kailangan upang makapagbigay at makapagparaya.
Ang palalo ay hindi matututong magbigay. Ayaw niyang mabawasan ang kanyang kayamanang taglay. Ayaw niyang makakahati sa kaginhawaan at kaalwanan. Ang gusto niya ay siya lamang ang mapapabuti. Selfish goes with pride.
Ang kababaang-loob ay biyaya mula sa Diyos. Ito ay dapat hinihingi sa kanya. Tayong lahat ay nangangailan nito. If we are humble, we will be generous, too.
By Msgr. Leandro N. Castro
A reflection from the September 01, 2019 issue of the Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter of the St. Peregrine Laziosi Diocesan Shrine.