Maraming taon na ang nakalipas, si Elvis Presley ay nakatakdang magtanghal sa isang konsierto. Napansin ng namamahala sa seguridad na may isang taong luma na ang kasuotan at pagala-gala sa may entablado. Nang akmang itataboy ang taong ito ay may biglang sumigaw, “Huwag, siya ang personal manager ni Elvis Presley”.

Madalas ang tao ay humuhusga sa panlabas na kaanyuan. Hindi tinitingnan ang kabuuan ng pagkatao. Ikinakahon na ang saluobin at paghusga ng mga kababayan ni Jesus ay larawan ng ating pag-uugali at pakikitungo sa kapwa. Madalas, sila ay ikinakahon nating sa ating limitadong pagtingin. Para bang wala nang pagkakataong umangat sa buhay ang nakilala nating maralita. Ang makasalanan ay wala ng pag-asang magbago. Ganyan tayo kung humusga sa iba. Ang nakakahon ay hindi na maaaring makalabas ditto. Ang ganitong ugali ay hindi lamang tumutukoy sa pagtingin natin sa ibang tao. Kasunod din nito ay ang walang kakayahang magbahagi ng kung ano mayroon tayo para sa iba. Lahat inikakahon natin. Lahat sinasarili.

Si Jesus ay nakilala bilang hamak at maralitang tao. Siya man ay ikinahon din. Hindi nila binuksan ang paningin sa katotohanang si Jesus ay Diyos at naparito sa daigdig upang tubusin ang tao sa pagkaalipin ng kasalanan. “Saan niya nakuha ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong pinagkaloob sa kanya.” Ito ang mga salita ng pagaalinlangan at pagtataka. Maging ang lantad na ay nais pang pabulaanan.

Magandang suriin kung paano tayo tumingin sa pag-unlad ng ating kapwa. Sana ay masira na ang kahong nagbibigay-limitasyon sa ating pagtrato sa iba. Sana ay alalahanin natin ang kasabihang, “Every person contains potential.’ Wika nga ng isang manunulat, “Nobody is ever as they first appear.” Puwede pang magbago. Puwede pang umunlad. Magtiwala sa kakayahan at lagging manalig sa tulong at awa ni Jesus.

Ang panuntunan natin ay mga salita ni San Pablo, “Kung pinararangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.” Iyan ang diwang Cristiano. Ganyan dapat tayo sa bawat isa at sa iba. Hindi naiinggit sa karangalan at tagumpay ng kapwa kundi nakikigalak. Ang kapwa ay hindi ikinakahon kundi hinahayaang malantad sa hanging mayaman sa pangako ng pag-unlad at pagbabago.

Huwag ikahon ang ibang tao. Higit sa lahat, ang iyong kakayahan para tumulong sa mga nangangailangan. Huwag ikahon ang pag-ibig at pagmamahal na nararanasan natin mula sa Diyos. Huwag ikahon ang pagpapatawag upang tayo ay tuluyang lumaya sa puot at galit. Palayain ang iba sa pagkakakahon upang tayo din ay lubusang Malaya.

-Msgr. Leandro N. Castro


Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet July 08, 2018 issue.