Maliban sa mga guwardiay, walang taong magpupuyat sa gabi upang magbantay ng pagdating ng magnanakaw. Wala ring magnanakaw na magsasabi ng kanyang pagdating. Wika nga ni Fr. Kevin O’Sullivan, “A thief succeeds in robbing a house because he does not announce his arrival.”

Sa paghahalintulad sa pagdating ng magnanakaw, maliwanag na ipinahahayag sa ebanghelyo na ang Anak ng Tao, si Hesus, ay darating sa oras na di inaasahan. Kaya naman, ipinaaalala sa lahat na maging handa tulad ng aliping handa sa pagdating ng panginoong galling sa Kasalan.

Maging handa sa tuwina! Ito ay hamon ng ebanghelyo. Tunay, hindi nagpapasabi ang magnanakaw ngunit maari naming makagawa ng paraan upang hindi manakawan. Maaring higpitan ang pagkakasara ng pintuan ng tahanan. Maaring maglagay ng alarm. Maari ring damihan ang asong nagbabantay.

Ang aral ng ebanghelyo ay ang hinihinging kahandaan sa kabila ng di pagkabatid kung anong oras o araw darating ang Anak ng Tao. “You must be prepared for the coming of the son of Man since you know he will surely come, although you do not know at what precise time, “wika ni Fr. Guillemette, SJ.

Kapag maayos ang seguridad ng tahanan, mapayapang makatutulog ang may-ari. Walang pangamba sapagkat nakahanda ang bahay at walang salang mabibigo ang magnanakaw. Ito ang punto ng ebanghelyo. Hindi importante kung walang anunsiyo ang pagdating. Ang mahalaga ay nakahanda ang dinatnan.

Sa buhay-espirituwal ay kinakailangan ang paghahanda. Alam natin na darating ang Panginoon. Kung kailan iyon ay hindi na mahalaga. Kahit ngayon na ay hindi matatakot kapag tayo ay nakahanda. Ang estudyanteng palaging nag-aaral ng leksyon ay walang pangamba sa surprised quiz. Kahit magkabiglaan ay mayroon siyang maisasagot.

Paano ng aba ang paghahanda? Ang ebanghelyo rin sa linggong ito ang sumagot: “Mag-impok ng kayamanan sa langit. Ipagbili ang ari-arian at mamigay sa mga dukkha. Maging mabuting katiwala.

Kapag ginawa natin ang atas ng ebanghelyo at namumuhay tayo sa pag-ibig, hindi natin katatakutan ang pagdating ng Panginoon. Kahit ngayon na, okay na sa atin.


A reflection by Msgr. Leandro N. Castro from the August 11th, 2019 issue of the Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter of the St. Peregrine Laziosi Diocesan Shrine.