Napakahirap ng tinatawag na letting go. Iyon bang aalisin mo sa buhay mo ang isnag bagay na lubhang mahalaga. Masakit para sa isang tao na palayain ang kanyang minamahal. Mahirap ang manakawan o mawalan ng paboritong kagamitan. Napapaiyak ang isang taong umaalis sa nakalakhang bahay na naisangla at di na matubos o kaya ay napilitang magbenta ng alahas na mana pa salang namayapa.
Ganitong uri ng sakripisyo ang hinihingi sa ebanghelyo para sa linggong ito. Nang sabihin ni Hesus na putulin ang bahagi ng katawan na dahilan ng pagkakasala, hindi niya tinutukoy ang tinatawag na self-mutilation. Hindi literal na puputulin ang kamay o dudukutin ang mata. Ang ibig sabihin ay isasakripisyo maging ang pinakamalapit at pinakamamahal sa sarili (isinasagisang ng kamay, mata atbp. huwag lamang mahulog sa kasalanan. Nangangahulugang isasakripisyo ang lahat makamtan lamang ang lalong mahalaga – ang Diyos at ang kanyang kaharian.
Paano ang aba makakaiwas sa kasalanan at namg magkamit ng kaharian ng Diyos. ang tiyak na paraan ay ang pagsupil sa sarili at sa katawan. Kinakailangang tanggihan ang mga pribilehiyong na kaakibat sa paggamit ng mata – ang layaw sa katawang dulot ng masamang panoorin at babasahin. Tatanggihan din ang ang mga nakapaloob sa pag gamit ng kamay – ang pag umit sa mga bagay na pag-aari ng kapwa at ang paghawak sa mga bagay na nagdudulot ng aliw sa pandamdam.
May kasabihang having one means losing the other. Ganyan ang hamon ng ebanghelyo. Kung nais natin ang Diyos, mawawala sa atin ang layaw sa mundo. Kung mahalaga sa atin ang kaharian ng Diyos, mawawala sa atin ang layaw ng mundo. Kung mahalaga sa atin ang kaharian ng Diyos, hindi tayo pasasakop sa paghahari ng demonyo – walang bisyo, walang kasalanan. Nang wikain ni Jesus “putulin mo” inaanyayahan niya tayong putulin ang pag-iral ng mga bagay na hadlang sa kanyang paghahari. Ang gagawin lamang natin ay ang mga bagay na makalangit at maka-Diyos.
Sabi ng isang awit, “Lahat, lahat ay aking ibibigay. Ibibigay pati ang aking buhay upang purihin siya.” Dapat handa tayo ialay ang buhay na makalupa upang tamasain ang buhay na walang hanggan. Kung iniibig natin ang Diyos, gagawin natin ang lahat para patunayan ang ganoong pag-ibig. Kaakibat nito ang sakripisyo, ang pagtanggi sa sarili at pagparaya.
Hindi sapat ang tinatawag na letting go. Mas maganda kung sa pagtanggi sa sarili ay mapapaubaya naman sa Diyos. Ito ang tinatawag na letting God.
– Msgr. Leandro N. Castro
Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter – September 30, 2018 issue.