Winika ni San Alfonso, “Great works arise from weak beginnings.” Angkop na angkop ito sa mensahe ng ebanghelyo para sa linggong ito. Ang butil ng mustasa na pinakamaliit sa lahat ng binhi ay pwedeng lumago at maging pinakamalaki sa lahat ng gulay.

Kakaiba ang mustasang tinutukoy ni Jesus. Hindi ito katulad ng mustasa sa Pilipinas. Itong mustasa sa Palestina ay lumalaki at pwedeng pamugaran ng mga ibon. Maliwanag ang aral ng ebanghelyo- Great works rise from weak beginnings. Kahit butil na maliit ay pwedeng yumabong. Munting binhing ipinunla, naging punong pinagpala.

Tayong mga tao ay likas na mainipin. Gusto natin ay dagliang mangyayari ang lahat. Instant o shortcut ika nga. Ngunit hindi ganon ang paghahari ng Diyos. Sabi nga sa ebanghelyo, usbong muna saka uhay at pagkatapos ay mahihitik sa butil. Pagtiyatiyaga, samakatuwid, ang kailangan. Matutong maghintay at mayroong tiyak na aanihin.

Isa pa ring ugali ng tao ang maghangad nang kagitna. Mas mabuting magsimula sa payak na layunin at mithiin. Tama si San Alfonso, “God can make great works rise from small beginnings.” Ang kaharian nga ng Diyos ay nagsisimula sa maliit. And simbahan nga ay nagsimula sa pangkat ng labindalawang alagad. Kumalat na ito sa lahat ng panig ng mundo.

Ang ebanghelyo ay nagpapalakas sa mga pinanghihinaan ng loob. May mga magulang na naiinip sa pagtatagumpay ng kanilang mga anak. Hindi maaari ang ganong kaisipan. Bibilang ng maraming taon at tutulo ang maraming pawis bago makapagtapos ang mag-aaral at makahanap ng maayos na hanap-buhay.

Dahan-dahan at mabagal ang takbo ng buhay. Mabagal ang proseso ng marangal na pag unlad. Umasa sa Diyos, magtiyaga at maghintay at makakamtan din ang pinapangarap.

-Msgr Leandro N. Castro


Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter, June 17, 2018 issue.