Ang taong pamagat sa aking homiliya ay walang kaugnayan sa isang sumisikat na telenobela na may katambal ding awit. Ito ay pagninilay na hango sa mga salita ni Hesus sa ebanghelyo para sa linggong ito. “Sapagkat sa loob – sa puso ng tao – nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya…
Naibulalas ni Jesus ang mga katagang iyon bilang tugon sa mga rasiseo at eskriba. Ang mga taong ay lubhang alipin ng batas ng paglilinis (na ipinaliwanag ni San marcos para sa kapakanan ng mga mambabasang di Hudiyo). Tinutuligsa nila ang mga alagad na anila ay hindi sumusunod sa mga turo ng mga ninuno sapagkat kumain ang mga ito ng hindi muna naghuhugas ng kamay. Para kay Jesus sila ay mapagpaimbabaw (sa Griego ay hypocrites na ang ibig sabihin ay mascara ng actor). Malinis sila sa labas ngunit sa loob ay punong-puno ng karumihan.
Maliwanag ang pahayag ni Jesus. Ang nakapagpaparumi sa tao ay ang nagmumula sa panloob , hindi ang galing sa labas. Kapag marumi ang isip at puso ng tao, naroroon ang pagnanasang “makiapid, magnakaw, pumatay, mag-imbot at gumawa ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan at kahangalan.” From the abundance of the heart the mouth speaks. Totoo, kapag malinis ang laman ng puso, malinis din ang ang pahayag ng bibig. Makikilala ang nilalaman ng isip at puso ng tao kung susuriin ang kanyang pananalita.
Wala namang masama pagsikapang linisin ang mga kagamitan upang matiyak na malinis ang mga pagkaing ilalagay dito. Wala nmang masama kung nililinis ang mga pagkain bago ito kainin. Iyon ay akma sa batas ng kalusugan. Ang masama ay kung napapabayaang marumi ang kalooban ng tao. Malimit ko ngang sabihin, “Maputi nga ang kulay. Maitim naman ang budhi.” Iyan ay hindi kalugod-lugod sa Diyos.
Nagdurumi ang puso kapag tayo ay may kasalanan pero sa kabutihan ng Diyos ay nariyan ang Sakramento ng Pakikipagkasundo upang linisin ang puso natin sa bahid ng pagkakasala. Huwag sana nating hayaang kumapal na ang dumi at lubhang dumikit. Mahihirapan na tayong maglinis niyon. Hilingin natin sa Panginoon na pagkalooban tayo ng isang malinis at dalisay na puso – kung saan nagmumula ang katapatan, kahinahunan, pagpapatawad, kapayapaan at pag-ibig.
“Isang pusong tapat sa aki’y likhain. Bigyan mo ako, O Diyos, ng bagong damdamin.”
– Msgr. Leandro N. Castro
Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter September 2, 2018 issue.