Sa hanay ng mga Misteryo sa Tuwa, ang ikatlo ay siyang tumutukoy sa Pasko. Ito ay ang Pagsilang ng sanggol na si Hesus. Sa pagdalaw ni maria kay Elisabet ay naganap ang pagdalaw ni Hesus sa bayang kinakatawan nina Elisabet at Juan Bautista.
Maraming interpretasyong ibinigay ang Bibliya ukol sa salaysay ng pagdalaw. May nagsasabi na ito’y tanda ng isa pang tanda – kung ang matandang babae ay maaring maglihi, Maari ring magsilang ang isang dalagang walang nakikilalang lalaki.
Para sa iba, ang pagdalaw ang unang pagpapahayag ng Mabuting Balita o Evangelization. Si Maria ay humayo upang ipahayag ang Mabuting Balita na darating na ang Mesias. Siya makatuwid, ang tinatawag na first Evangelizer.
Ayon naman sa iba, ang pagdalaw ay larawan ng pag-ibig, sa kapwa. Si Maria ay “nagmamadaling” pumunta sa bahay ni Elisabet (sa wikang Griyego ay meta spoudes na ang ibig sabihin ay “Very thoughtfully”. Nagbahagi siya ng pagmamahal at pagdamay sa pinsang nagngangailangan.
Sa aking pagninilay, ang salaysay sa ebanghelyo sa Linggong ito ay larawan ng Pasko. Taglay ni Maria sa kanyang sinapupunan si Jesus, siya ay humayo upang ibahagi niya ang Panginoon sa kapwa. Ito ang hamon ng Pasko – na taglayin din natin sa ating mga puso si Hesus at ibahagi siya sa kapwang ating nakakasalamuha.
Ang sabi ng marami ay mahirap daw magdiwang ng Pasko dahil sa krisis sa ekonomiya. Ibig sabihin at nakatuon lamang ang Pasko sa materyal na bagay. Baguhin natin ang gayong kaisipan at saloobin. Buksan natin ang ating puso sa pagdalaw ni Hesus. Iyon ang mas malalim na pagdiriwang ng kanyang kapanganakan.
~ Msgr. Leandro N. Castro
Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter – December 23, 2018 issue.