Kapag may nagtitinda ng pagkain, tinatanong natin, “Saan gawa iyan?” Ayon nga kay Fr. Victor Nicdao, tila raw espesyal na bagay na nadadagdag, kapag binabanggit natin ang pinagmulan ng pagkain. Iba siyempre kapag ang tocino ay galing sa Pampanga, kapag ang bangus ay galing Dagupan, ang danggit ay galing Cebu. Alam ng mga taga Quezon kung ang longganisa ay gawa sa Lucban, ang budin ay sa Tayabas at ang pinagong ay sa Sariaya. Mahalaga nga para sa atin ang pinagmulan ng pagkain. Ang hanap natin ay ‘yong original, ika nga. Napakagandang pakinggan sa pananalita ni Jesus sa ebanghelyo ngayon na ang Tinapay na handog niya ay “bumaba mula sa langit.” Ibig sabihin, ito ay biyaya ng langit o sa ating pananalita ay “hulog ng langit.” Hindi ito nanggaling kung saan-saan lamang. Ito ay mula sa langit dahil ito ay bigay ng Diyos. Ganoon na lamang kabuti ang Diyos sapagkat siya ay bumaba sa lupa, nagkatawang tao at naging tinapay.
Hindi matanggap ng mga Judio ang pahayag ni jesus na ibibigay niya nag kanyang laman upang maging pagkain. Hindi nila batid ang katotohanan ng pagka Diyos ni Cristo. Sa karunungan at kapangyarihan ng Diyos ay nagawa niyang magpakababa at maging tao. Kataka-taka ba na gawin niya ang sarili niya bilang Tinapay ng Buhay? He can do it and he will to do it.
Dito nasusukat kung gaano kabuti ang Diyos sa tao. Iniisip niya ang pangunahing pangangailangan ng tao – ang mabuhay. Ngunit higit pa sa pisikal na pag-iral, pinahahalagahan niya ang buhay na walang hanggan. Ito ang dulot ng kanyang Katawan. Ito ang dulot ng Banal na Eukaristiya.
Napakapalad nating mga tao. Ibinigay ni Jesus ang handog ng kanyang sarili upang maging pagkain ng ating kaluluwa. Ito ang hiwaga ng Eukaristiya. Kakaiba sa ordinaryong pagkain. kapag tayo ay kakain ng ordinaryong tinapay, tayo ay nagiging bahagi ng ating katawan. Kapag tinatanggap natin si Cristo sa anyo ng tinapay, tayo ay nagiging bahagi ng kanyang katawan.
Iba nga ang Tinapay na mula sa langit. Nakapapawi ito ng “pagkagutom sa buhay.” Nagbibigay ito ng kahulugan sa ating pag-iral. Hindi ito pinagsasawaan kailan man, nais mong ulit-ulitin. Nais mong balik-balikan. Maraming pagkain buhat sa iab’t ibang lugar. Espesyal man ang mga pagkaing ito, iba pa rin si Jesus, ang tinapay na galing sa langit.
~ Msgr. Leandro N. Castro
Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter Aug 19, 2018 issue.