Kung makapangyarihan ang salitang “Oo”, makapangyarihan din ang salitang “Hindi”. Minsan nga’y mas mabigat pa ang dating nito. Ang di pagsang-ayon ay nagpapahayag ng matinding paninindigan at matibay na desisyon.
Noong batang pari pa ako, pinayuhan ako ng isang Obispo, “Learn to say No.” Ang tinutukoy niya noon pagtanggi sa ibang paanyaya o gawain sapagkat aniya ay lubha akong mapapagod. Tama nga naman, delikado rin sa kasalukuyan ang lubusang pagtratrabaho at kakulangan sa pamamahinga.
Say No, ito rin ang hamon sa ebanghelyo para sa Unang Linggo ng Kuwaresma. Si Hesus ay tinukso ng diyablo nang maikatlong ulit. Ang mga ito ay tukso sa kaginhawaan pang-katawan, kasikatan at pinagsamang kapangyarihan at kayamanan. Gayunman, nagbigay ng halimbawa ang Panginoon. He said no to all these temptations.
Ang mga tukso kay Jesus ay siya ring mga tuksong ating kinaharap. Malakas ang panawagan ng kamunduhan, kasikatan, at kapangyarihan. Nasa atin ang pagpapasya kung tayo ay padadala sa ganoong mga pang-aakit.
Learn to say No. Ito ang hamon sa ating lahat. Hindi magtatagumpay ang kasamaan kung tayo ay sasalungat. Kaya nagwawagi ang diyablo ay sapagkat tayo ay sumang-ayon sa kanyang mga panukala. Kailanagan ang paninindigan. Kailangan ang paglaban sa masama.
Maraming inaalok ang demonyo. Napakahusay ng kanyang pamamaraan. Pipilitin niyang tayo ay magsabi ng Oo. Pagagandahin niya ang masama para tayo ay maakit. Ganyan ang kasalanan. Sin appears to be good but in reality, it is evil.
Isang matinding pagpapasya ang kailangan. Ito ay dapat panindigan. Sa bawat alok ng diablo, sa bawat paglapit ng kasalanan, ang tugon nawa natin ay Hindi. Just say No.
~ Msgr. Leandro N. Castro
A reflection from the March 1st issue of the Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter of the St. Peregrine Laziosi Diocesan Shrine.