“Ipinanganak ang Pag-ibig, Pinatay dahil sa Wagas Niyang Pag-ibig, At Muling Nabuhay Dahil siya Ay Pag-ibig”
Ang lahat ay nagsimula sa Pag-ibig at natapos sa Pag-ibig. Isinilang tayo bunga ng pag-ibig at umiiiral ang lahat dahil na rin sa Pag-ibig. Kaya naman kahit ang mga minamahal nating sumakabilang buhay na ay nanatiling buhay para sa atin. Ang buhay ng tao ay hindi lamang limitado sa pisikal na realidad, higit na sa Pag-ibig. Sa mga nananalig, nagmamahal ng wagas at lubos, ang kamatayan ay tila isang panaginip lamamng.
Ang ating Diyos ay Pag-ibig at Pagmamahal. Papaano? Sapagkat ang kanyang Pagmamahal ay patuloy na umaagos, nag-uumapaw, at higit sa lahat, nakakapagpabago sa bawat tao at sa sangnilikha.
May kasabihan, “Para sa taong walang pananampalataya o pananalig o Pag-ibig/pagmamahal, gaano man karaming katibayan ang ilatag mo sa kanyang harapan hindi pa rin ito sa sapat para siya maniwala. Ngunit sa taong may pananalig o tiwala o pag-ibig/pagmamahal, hindi na niya kailangan ang katibayan para maniwala. Ang pananalig o pag-ibig niya sa gusto ang katibayan. “Saan ka sa dalawa?’
Ano ang unang katibayan o patunay na muling nabuhay ang ating Panginoong Hesus?
Sa salaysay ng ebanghelyo buhat kay San Juan, mag-iikatlong araw na mula noong siya’y ipinako sa Krus, wala ang bangkay ni Hesus sa pinaglibingan sa kanya. Para sa walang pananalig sa kanya sa simula’t simula pa, marahil ninakaw o itinago ang kanyang bangkay. Para sa kanila ang Pagkabuhay ay isang kathang isip lamang. Ngunit para sa mga alagd ni Jesus , sa mga sumunod at nanalig sa kanya sa simul’t simula pa, si Hesus ay muling nabuhay. Saan ka sa dalawa?
Salamat at wala na ang bangkay ng panginoon sa libingan. Ito ay isang “sign” o katibayan na siya ay muling nabuhay, tulad ng kanyang pangako, hindi sa lahat ng tao, kundi sa kanyang mga alagad, sa mga umiibig at nanalig sa kanya. Bakit hindi siya nagpakita sa nagpapako at pumako sa kanya? O kaya, bakit hindi nila s’ya nakitang muling nabuhay? Sapagkat walang dahilan para s’ya magpakita sa kanila at ganon din naman sila sa kanya. Sa makatuwid, wala silang ugnayan sa isa’t isa. Walang pag-ibig na namamagitan sa kanila.
Halimbawa na lamang, sa tagal ng panahon na nawalay tayo sa mahal natin sa buhay o malapit na kaibigan sa ano mang kadahilanan, pag-uwi o pagbabalik natin ang unang tatanggap at kikilala sa atin? Walang iba kundi ang mga nagmamahal sa atin at ang mahal natin. Ganyan natin pwedeng ihalintulad ang pagkabuhay ng ating panginoon. Kaya wag na tayong magtaka bakit hindi naniniwala o nananalig na si Hesus ay muling nabuhay. Ngunit malinaw na ang ating Panginoon Hesus na ang Diyos ay Pag-ibig at Pagmamahal.
Ang Panginoong Hesus ay dumanas ng hirap at kamatayan dahil sa masidhing Pag-ibig niya sa sangkatauhan. Dahil na rin sa Pag-ibig nalupig niya ang kamatayan. Ngayon ang ikatlong araw. Ang kamatayan ay tatlong araw lamang. Ibig sabihin nito, ang kamatayan ay lilipas ngunit ang Pag-ibig ay mananatili. Ang muling pagkabuhay ay panghabang -buhay sa piling ng Diyos na Buhay.
Ano ang nagpanatili sa buhay? Ang Pag-ibig. Ang Diyos. Ito ang paniniwala at prinsipyo ng tao na may Diyos. Ang kanyang Diyos ay ipinanganak sa Pag-ibig, nagpakasakit at namatay dahil sa Pag-ibig, at ang Diyos na muling nabuhay dahil sa Pag-ibig. Amen.
PINAGPALANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY SA ATING LAHAT!
Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter April 1, 2018 issue.