Tunay na malaki ang pagkakaiba ng negative thinker (pessimist) sa positive thinker (optimist). Sabi ng pessimist, “Madilim pa ang kapaligiran”, pero sabi ng optimist, “Nababanaag na nag bukang -liwayway,” Sabi pa ng negative thinker, “Ang hirap, lagi na lang umuulan” pero sabi ng positive thinker, “Salamat at may ulan. Nadidiligan ang mga halaman.”
Ang ebanghelyo para sa linggong ito (na isang apocalyptic type of writing at tumutukoy sa pagbabalik ni Jesus o parousia. Ay maaring tingnan sa negatibo at positibong pananaw. Negatibo ang pagtingin kapag ang tuon ay ang magaganap na mga tanda – ang malaking magliliwanag na buwan, ang pagkalaglag ng mga bituin at pagyayanig ng mga kapangyarihan sa kalangitan. Positibo naman kapag tuon ay ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan.
Hindi kataka-taka na ang pagbasa ay ukol sa katapusan ng panahon. Inihahanda tayo ng liturhiya sa nalalapit na pagdiriwang ng Panahon ng Adbiyento. Sa halip na katakutan ang ebanghelyo na ukol sa mag tanda sa kalangitan, ito ay maaring pagkunan ng lakas.
Ibang-iba ang nagagawa ng positibong pagtingin. Ito ay nagdudulotng pag-asa at panibagong pananaw sa buhay. Tunay, maganda ang buhay kapag positibo ang saloobin ng tao. Kahit ang mga krus ay makikitang daan ng kaluwalhatian. Ang mga paghihirap ay ituturing na landas ng kabanalan. Sa may positibong pagtingin hindi malayong may maganap ang himala. For a negative thinker, it is a problem. For a positive thinker, it is an opportunity.
Nawa, lagi tayong optimist. Kung magkakagayon, hindi na tayo manggigilalas sa mangyayari sahinaharap. Buong sigla at saya nating tatanawin ang wakas ng panahon.
–Msgr. Leandro N. Castro
Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter (November 18, 2018 issue).