Para sa Linggong ito, hindi maipagkakaila kung saan hahantong ang paglalakbay natin ngayong panahon ng Cuaresma. Isang linggo mula ngayon, bago ang Linggo ng Palaspas o kaya naman ay “Passion Sunday”, marka ng pagsisimula ng Semana Santa, hindi simoy ng pamumukadkad ng mga bulaklak ang siyang ating malalanghap, kundi ang simoy ng kamatayan – sa katauhan ng isang nakabalot at apat na araw ng patay na si Lazaro, tila nangangamoy na. Nang marating ni Hesus ang tahanan ng magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro, dinatnan niya na maraming mga Hudyo ang nakiramay kay Martha at Maria. Sobrang pighati ang siyang nangingibabaw sa lugar na karaniwan sa kahit sinumang mawalan ng mahal sa buhay. Ngunit si Hesus ay tila nabagabag at iritable sa sitwasyong ito. Dahil sa pawang mga propesyonal na mananangis lamang ang naroroon sa lugar at hindi sinsero ang kanilang pakikidalamhati sa mga namatayan.

Hindi Siya nangamba sa pagkamatay ng Kanyang kaibigan. Ang Hesus sa ebanghelyo ni Juan ay ang Hesus na tila alam ang lahat, alam Niya na daratnan Niyang si Lazaro ay yumao na; alam din Niya na tatawagin Niya itong bumangon mula sa pagkakahimlay mula sa pagkakahimbing nito sa kamatayan. Sa istroya ni Juan, ang pagbangon ni Lazaro ang siyang konkretong patunay na si Hesus ang muling-pagkabuhay at ang buhay. Ang kamatayan ay walang katapusan, isang mapait na katotohanan mula sa isang yungib milya-milya mula sa Herusalem at ang siyang tumuklas sa magiging paghihirap na daranasin ni Hesus; Siya’y nakaramdam ng labis na pagkadismaya sa presensya ng kamatayan, Siya rin ay tumangis at ang mga luha ay tumutulo sa Kanyang mukha. Dahil dito, inaalis niya ang batong nakatakip sa yungib at tinawag Niya si Lazaro mula sa loob.

Ang emosyonal na ebanghelyo na ito ni Juan ay tila naglalahad ng daranasing paghihirap, kamatayan, pagkakalibing at ang muling-pagkabuhay mismo ni Hesus. Ngunit si Lazaro ay hindi gaya ni Hesus na nabuhay na mag-uli bagkus si Lazaro ay muling namatay. Sa ating sariling espiritwal na paglalakbay sa panahon ng Cuaresma, ito ay patungo sa kamatayan. Marami pang darating gaya ng mga Hudyong nakiramay na tumatatangis; katawang mababalot sa tela; at libingan na paglalagakan.

Ngunit ang kamatayan ay hindi mananaig kailanman. Sa araw na ito, araw ng ating Panginoon, kung kailan ang hangin ay nababalot ng malawak na simoy ng kamatayan, ating damahin na bawat Linggo na atin siyang kapiling sa Banal na Misa ay isang maliit na selebrasyon ng Easter, habang tayo ay naghihintay sa pagdating ng araw na tayo’y magdiriwang ng Kanyang pagtatagumpay mula sa kamatayan at muling-pagkabuhay. Darating muli ang panahon na kung saan isang bato na nakatakip sa libingan ang siyang muling gugulong pabukas, sisinghal sa kamatayan, at mag-wiwika na “Siya ang Resureksyon at ang Buhay”

~Lorenz Basagre


Source: Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet Newsletter – April 2, 2017 issue.