Noong Marso 21, 2026, matagumpay na isinagawa ng St. Peregrine Laziosi Parish and Diocesan Shrine ang taunang Visita Iglesia sa pitong simbahan sa Diyosesis ng Antipolo. Dinaluhan ito ng mga mananampalataya na sama-samang naglakbay bilang mga peregrino ng pananampalataya, sakay ng pitong bus, bilang tanda ng kanilang taimtim na paghahangad na mapalalim ang ugnayan sa Diyos sa panahon ng Kuwaresma.

Nagsimula ang banal na paglalakbay sa Our Lady of Peace and Good Voyage Parish sa Antipolo City, kung saan idinaos ang Banal na Misa bilang panimulang panalangin ng buong gawain. Ang Misa ay pinangunahan ng ating kura paroko, Rev. Fr. Bryan Ma. Eala, OSM, at kinonselibrayan nina Rev. Fr. Ador Ma. Javier, OSM, Rev. Fr. Jess Ma. Diaz, OSM, Rev. Fr. Jumen Ma. Arcelo, OSM, Rev. Fr. Kristoffer Ma. Omandam, OSM, Rev. Fr. Ricky Ma. Sister, OSM, Rev. Fr. Jay Ma. Pacog, OSM, Rev. Fr. Peter John Ma. Ubanan, OSM, at Rev. Fr. Paulus Ma. Sabater, OFM Conv.

Sa kanyang homiliya, binigyang-diin ni Fr. Bryan ang tunay na layunin ng Visita Iglesia, na higit pa sa isang tradisyon o simpleng pagbisita. Aniya, “Nawa ang ating Visita Iglesia ay magdala sa atin mula sa kalituhan tungo sa kaliwanagan, mula sa nakasanayan tungo sa tunay na ugnayan sa bawat isa, at mula sa simpleng pagdalaw sa mga simbahan at sa tabernakulo tungo sa tunay na pakikipagtagpo kay Kristo.” Ang kanyang mensahe ay naging paanyaya sa bawat isa na gawing makabuluhan ang paglalakbay, hindi lamang pisikal, kundi espiritwal.

Sa pagpapatuloy ng pagbisita sa pitong simbahan, ang bawat paghinto ay naging sandali ng panalangin, katahimikan, at pagninilay. Ang mga peregrino ay nag-alay ng kani-kanilang intensyon, pasasalamat, at mga kahilingan, habang pinagninilayan ang paghihirap at pagmamahal ni Kristo. Ang sama-samang paglalakbay ay naging pagkakataon din upang higit pang mapatatag ang pagkakaisa ng komunidad bilang isang Simbahan na naglalakbay nang magkakasama.

Sa kabuuan, ang Visita Iglesia 2026 ay hindi lamang naging isang matagumpay na gawain, kundi isang makabuluhang karanasan ng pananampalataya. Nawa ang biyayang natanggap ng bawat peregrino ay magbunga ng mas malalim na pagbabalik-loob, mas matibay na pananampalataya, at mas masiglang pakikibahagi sa buhay ng Simbahan.

~ Linn Hermosa