Sa pagdiriwang ng Huwebes Santo, pormal na nagsisimula ang Easter Triduum—ang pinakabanal na yugto ng ating pananampalataya. Sa Misa sa Paghahapunan ng Panginoon, ginugunita ng Simbahan ang Huling Hapunan ni Hesus kasama ang Kanyang mga alagad, kung saan itinatag Niya ang Banal na Eukaristiya.

Isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ang paghuhugas ng paa, na nagpapaalala ng kababaang-loob at wagas na paglilingkod ni Kristo. Sa Kanyang halimbawa, inaanyayahan tayong magmahal at maglingkod sa isa’t isa nang walang hinihintay na kapalit. Tulad ng paalala sa homiliya ni Rev. Fr. Paul Ma. Gapuz, OSM, “Hindi tayo maaaring makibahagi sa sakripisyo ni Kristo kapag ang ating buhay ay sumasalungat sa mismong taong tinatanggap natin.” Isa itong hamon sa bawat isa na isabuhay ang pananampalataya sa araw-araw.

Matapos ang Misa, isinagawa ang prusisyon ng Banal na Eukaristiya patungo sa Altar of Repose, kung saan inilipat ang Santisimo Sakramento bilang paggunita sa paghahanda ni Hesus sa Kanyang pagpapakasakit. Sinundan ito ng paghuhubad ng altar, na sumisimbolo sa pag-iwan at pagdurusa ni Kristo sa mga sandaling Siya ay ipinagkanulo. Ang katahimikan ng simbahan ay nagsilbing paanyaya sa mas malalim na pagninilay at pakikiisa sa Kanyang paghihirap.

Sa pagpapatuloy ng gabi, nanatili ang mga mananampalataya sa pagbabantay sa Altar of Repose, nakikiisa kay Hesus sa Kanyang panalangin sa Halamanan ng Getsemani. Sa mga sandaling ito ng katahimikan at panalangin, tinatawagan tayong samahan Siya, magbantay, at magnilay sa Kanyang dakilang pag-ibig. Nawa’y magbukas ang pagdiriwang na ito ng ating puso sa mas malalim na pakikipag-isa kay Kristo, na nag-alay ng Kanyang sarili para sa ating kaligtasan.