
Sa bukang-liwayway ng Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, Abril 4, 2026, ganap na alas-kuwatro ng madaling-araw, taimtim at masayang ipinagdiwang ng pamayanan ng St. Peregrine Laziosi Parish and Diocesan Shrine ang tradisyunal na Salubong – ang makasaysayang pagtatagpo ng Ina ng Kalungkutan at ng Muling Nabuhay na Kristo.
Sa pangunguna ng ating kura paroko, Rev. Fr. Bryan Ma. Eala, OSM, nagsimula ang prusisyon ng Mahal na Birheng Maria mula sa Park Homes Chapel patungo sa simbahan, habang ang imahen ng Muling Nabuhay na Kristo ay nagmula naman sa Villa Carolina 1 Chapel. Ang dalawang prusisyon ay sinalubong ng pananabik at pananalangin ng mga deboto, na siyang sumaksi sa makapangyarihang simbolo ng pagwawakas ng dalamhati at pagsilang ng bagong pag-asa.
Lalong naging buhay at makulay ang selebrasyon sa masiglang pagtatanghal ng mga bata – umawit at sumayaw bilang handog ng papuri at kagalakan. Ang kanilang inosenteng galak ay nagsilbing paalala na ang muling pagkabuhay ni Kristo ay paanyaya sa lahat na magpanibago sa pananampalataya nang may dalisay at masayang puso.

Matapos ang Salubong ay isinagawa ang Banal na Misa, na pinangunahan din ni Rev. Fr. Bryan Ma. Eala, OSM. Sa kanyang homiliya, binigyang-diin niya ang mga palatandaan ng Muling Pagkabuhay – patunay na ang Panginoon ay tunay na nagtagumpay laban sa kamatayan. Hinikayat niya ang lahat na magpasalamat sapagkat sa muling pagkabuhay ni Kristo, ang kadiliman ay nagapi, ang kahinaan ay naging kalakasan, ang takot ay napalitan ng tapang, at ang pagdududa ay naging ganap na kasiguruhan.
Ang Salubong ay hindi lamang isang tradisyon kundi isang buhay na pahayag ng pananampalataya – isang paalala na sa kabila ng anumang pagsubok, ang huling salita ay laging pag-asa, liwanag, at buhay.
Lubos na pasasalamat sa lahat ng nakiisa, sa mga boluntaryo, mga kabataan, at sa bawat isa na tumulong upang maging makabuluhan at banal ang pagdiriwang na ito. Tunay ngang Si Kristo ay muling nabuhay! Aleluya! Aleluya!
Diocese of Parañaque









