Ang Pitong Huling Wika ni Hesus

Sa ganap na ika-12 ng tanghali ng taimtim na panalangin at tahimik na pagninilay, sama-samang inalala ng sambayanan ang Pitong Huling Wika ni Hesus—mga salitang binigkas mula sa krus, mga salitang nagmumula sa Salitang nagkatawang-tao. Ang banal na pagtitipong ito ay sinimulan sa isang pangbukas na panalangin na pinangunahan ng ating kura paroko Rev. Fr. Bryan Ma. Eala, OSM, na nag-anyaya sa lahat na ialay ang puso at diwa sa misteryo ng pagdurusa, pag-ibig, at ganap na pagtitiwala ni Kristo sa Ama.

Muling binalikan sa pagninilay ang pitong huling salita ni Hesus—hindi lamang bilang mga pangungusap ng isang nagdurusang Tagapagligtas, kundi bilang mga huling habilin ng isang tunay na kaibigan sa Kanyang mga alagad. Ito ang huling buntong-hininga ng Kanyang awa at pagsuyo; isang alay para sa sangkatauhang madalas lamunin ng ingay ng sariling kahinaan. Sa paanan ng krus—na siyang sagisag ng ating kaligtasan—tahimik nating pinakinggan ang hibik ng walang hanggang pag-ibig.

Ang bawat wika ay pinalalim sa pamamagitan ng makabuluhang pagninilay ng mga pari at relihiyoso ng Orden ng mga Lingkod ni Maria (OSM):

Unang Wika: “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”
(Rev. Fr. Edgar Ma. Benedi-an, OSM)
Isang paanyaya sa lubos na pagpapatawad kahit sa gitna ng sugat at pasakit.

Ikalawang Wika: “Sinasabi ko sa iyo: ngayon din ay isasama kita sa Paraiso.”
(Rev. Fr. John Gerard Ma. Eviota, OSM)
Isang salita ng pag-asa at pangakong kaligtasan para sa pusong marunong magsisi.

Ikatlong Wika: “Babae, narito ang iyong anak… Anak, narito ang iyong ina!”
(Fra. Robert Francis Ma. Ducado, OSM)
Isang paalala ng ibinibigay na pamilya at ng ating pagkakalinga sa isa’t isa.

Ika-apat na Wika: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
(Rev. Fr. Dominador Ma. Javier, OSM)
Isang tinig ng lalim ng pagdurusa na sumasalamin sa mga sandaling tila tahimik ang langit.

Ikalimang Wika: “Nauuhaw ako!”
(Rev. Fr. Jumen Ma. Arcelo, OSM)
Isang sigaw ng pagnanasa—hindi lamang sa tubig, kundi sa pag-ibig ng sangkatauhan.

Ika-anim na Wika: “Naganap na!”
(Fra. Ronel Ma. Advincula, OSM)
Isang pahayag ng ganap na pagtupad sa kalooban ng Ama at sa misyon ng kaligtasan.

Ikapitong Wika: “Ama, sa mga kamay Mo’y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.”
(Rev. Fr. Jay Ma. Pacog, OSM)
Isang sukdulang pagtitiwala at pagsuko sa Diyos.

Ang banal na pagdiriwang ay nagtapos sa huling panalangin na muling pinangunahan ni Rev. Fr. Bryan Ma. Eala, OSM, na nagbuklod sa mga pagninilay sa isang pagkilos ng pananampalataya at pasasalamat.

Taos‑pusong pasasalamat ang iniaalay sa Ministry of Liturgical Music sa kanilang makahulugang mga awit na lalong nagpalalim sa banal na katahimikan at diwa ng pagninilay. Gayundin, taos‑pusong pasasalamat sa lahat ng dumalo at taimtim na nakinig, at sa mga pamilyang mula sa iba’t ibang komunidad na nakiisa sa panalanging ito.

Sa pagninilay sa Pitong Huling Wika ni Hesus, nawa’y patuloy tayong mabago—tinatawag na magmahal, magpatawad, at magtiwala hanggang wakas, gaya ng Kanyang ipinamalas mula sa krus.