Ang Tagumpay ng Kristong Ipinako sa Krus

Marahil para sa karamihan ang krus ay ang pinakakahiya-hiyang uri ng kaparusahan ng tao. Ang kamatayan ng isang kriminal sa krus ay ang pinakanakaririmarim na kamatayan. Ngunit ang Santa Krus ng ating Panginoon ay ang pinakamabunga sa lahat ng mga krus. Itong Santa Krus na ito ang naging sanhi ng ating kaligtasan.

Sa Ebanghelyo ayon kay San Juan, ang Panginoong Hesus ay hindi isang kaawa-awang biktima ng pagkakataon. Siya ay kusang loob na naghandog ng Kanyang sarili para sa ikatutubos ng buong sangkatauhan sa kanilang mga sala. Siya ang walang hanggang pinakamataas na Pari na naghandog sa Ama at ang handog na ito ay Siya rin. Noong winika ng Panginoon ang mga katagang “Natapos na.”, ito ay ang kaganapan ng Kanyang misyon bilang Manunubos hindi lang dahil sa magwawakas na ang Kanyang buhay. Ang pagtatanghal ng Santa Krus ay ang pagtatanghal ng kaluwathatian ng Panginoong Hesus at ang Kanyang pagtatagumpay laban sa kasalanan at maging sa kamatayan.

Ang Santa Krus ay tanda ng dakilang Pag-ibig, na ang Panginoong Hesus. Siya ang Banal na Awa na siyang bumalong at patuloy na bumabalong para sa ikaliligtas ng mga kaluluwa. Ang kaluwathatian ay nakamtan na at matatamo na ng tao dahilan sa pasyon at kamatayan ng Kristong ipinangako sa Krus.

Ang Viernes Santo ay hindi ang wakas. Ito ay daan lamang patungo sa pagkabuhay na mag-uli nga Panginoon. Ang sinomang taong nais makaranas ng kaluwathatian ay marapat na tumahak rin naman ng kusa sa landasin ng Santa Krus, sa landasin ng pagpapasakit ag pagkamatay sa kasalanan upang ng muling mabuhay sa kaluwathatian ng Diyos na Maylalang ng tanang kinapal.

Alalahanin mo nawa Kristyano na ikaw ay tinubos ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang sariling dugo. Ang dugo ng walang hanggang tipan Niya sa iyo na ibinihos para sa ikapagpapatawad ng iyong mga kasalanan at sa kasalanan ng buong sangkatauhan. Iyo nawang matamo ang iyong kaligtasan sa pamamagitan ng pagtalima mo sa tipang ito hanggang sa huling hininga ng iyong hiram na buhay. Siya nawa.

– FRA. RONEL


Pagkilala sa Aking Kahinaan sa Harap ni Hesus

Sa aking pagninilay sa Mabuting Balita, nakita ko ang sarili ko kay Pedro. Tulad niya, may mga pagkakataong sinasabi kong mahal ko si Hesus, ngunit kapag nahaharap na sa hirap o takot, mas pinipili kong umiwas. Ilang beses ko na rin Siyang “itinanggi,” hindi man sa salita kundi sa gawa, kapag inuuna ko ang sarili kong kagustuhan kaysa sa tama. Gayunpaman, nakikita ko rin na kahit nagkamali si Pedro, hindi doon nagtapos ang kanyang kuwento. May pag-asa pa rin para sa akin na bumalik at magmahal muli nang mas tapat.

Nakikita ko rin ang sarili ko kay Pilato. Alam niya kung ano ang tama, ngunit pinili pa rin niyang sundin ang kagustuhan ng nakararami. Minsan ganoon din ako. Alam ko ang tama, ngunit natatakot akong panindigan ito dahil baka hindi ako tanggapin o baka may masabi ang iba. Mas pinipili ko ang katahimikan kaysa sa katotohanan. Sa kuwentong ito, napagninilayan ko kung gaano kadalas kong hinahayaan na manaig ang takot kaysa sa paninindigan sa tama.

Sa mga taong sumigaw ng “Ipako Siya sa krus,” masakit mang aminin, nakikita ko rin ang sarili ko sa kanila. Sa tuwing nagkakasala ako, parang nadaragdagan ko rin ang paghihirap ni Hesus. Hindi man literal, ngunit sa bawat maling desisyon at pagtalikod sa kabutihan, tila sinasabi ko ring hindi ko Siya pinipili. Gayunpaman, hindi Siya tumigil sa pagmamahal. Pinili pa rin Niya ang krus para sa akin, kahit alam Niya ang aking mga kahinaan.

Sa huli, nais kong ilagay ang sarili ko sa paanan ng krus, tahimik at nakatingin kay Hesus na nag-alay ng lahat. Doon ko higit na nauunawaan na ang Kanyang paghihirap ay hindi lamang kuwento ng sakit kundi kuwento ng pag-ibig. Inaanyayahan Niya akong magbago, magmahal nang mas tapat, at matutong ialay ang sarili ko sa Diyos at sa kapwa. Sa pagninilay na ito, dalangin ko na hindi lamang ako maging tagapanood ng Kanyang sakripisyo kundi maging tunay na tagasunod na handang magdala rin ng sariling krus araw-araw.

– LINN


Originally published in the Neo Jeremiah Voice of the Young Prophet (April 3, 2026 issue).